Sakit na Gonorrhea: Paano Nakukuha

Ang gonorrhea ay isang Sexually Transmitted Disease (STD). Ito ay sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Ito ay kilala rin sa mga Pilipino sa tawag na tulo. Pangunahing bacteria ang sanhi ng sakit na ito na kung tawagin ay Neisseria gonorrhoeae. Ito ay nakakaapekto pareho sa mga kababihan at kalalakihan. Kadalasang nakukuha ang sakit na gonorrhea sa pamamagitan ng di ligtas na pakikipagtalik.

Kapag madalas at marami ang katalik na di gumagamit ng sapat na proteksiyon, madaling naipapasa at kumakalat ang gonorrhea. 

Mga Sintomas ng Sakit na Gonorrhea

Narito ang mga pangunahing sintomas ng sakit na ito, subalit hindi lahat ng nagkakaroon ng tulo ay nakakaranas ng sintomas. Kaya ibayong pagiingat at ligtas na pagtatalik ang dapat ugaliin upang makaiwas sa mga nakakahawang sakit tulad ng gonorrhea.

Mga sintomas para sa kalalakihan:

  • Madalas o mahapdi na pagihi o pakiramdam ng naiihi.
  • Namamagang bukana ng ari.
  • Kulay puti, dilaw, o berde na discharge (likido) na parang nana mula sa ari.
  • Hindi nawawalang pananakit ng lalamunan (kapag ang impeksyon ay nasa lalamunan).
  • Pamamaga at matinding pananakit ng bayag.

Mga sintomas para sa kababaihan:

  • Masakit o mahapding pagihi.
  • Di karaniwang discharge mula sa ari na maaring kulay dilaw o mamula mula.
  • Pagdurugo kahit hindi panahon ng regla.

Gamot sa Gonorrhea

Kapag nakaranas ng sintomas, agad na magpatingin sa doktor upang makatiyak kung ito ay tulo, at mabigyan ng karampatang lunas at gamot sa tulo. Ito ay nalalaman sa pamamagitan ng urine test, at swab test sa apekadong bahagi ng katawan.

Antibiotics ang pang unang lunas para sa sakit na gonorrhea. Kung maaga pa lang ay natukoy na ang sakit, madali itong nagagamot ng antibiotics.

Kabilang sa mga antibiotics na kadalasang ginagamit ay Ceftriaxone bilang injection, na sinasamahan ng Azithromycin o kaya ay Doxycycline, mga antibiotics na iniinom. Ang mga gamot na ito ay kinakailangan ng kaukulang reseta mula sa inyong doktor.

Pagiwas sa Gonorrhea

Ang pinakamabuti pa ring paraan para makaiwas sa sakit na gonorrhea ay ang pagiging matapat sa asawa, o kaya ay pag-iwas sa pakikipagtalik (abstinence). Ang paggamit ng condom ang isa sa epektibong paraan para mapigil ang pagkalat ng sakit na gonorrhea. Kapag ikaw ay may aktibong sex life, makakatulong ang regular na pagpapasuri at pagsangguni sa doktor upang malaman kung mayroon mang anumang sakit.

Hindi nakamamatay ang gonorrhea. Subalit maaring magkaroon ng permanenteng epekto kapag hindi nagamot katulad ng pagkabaog. Kaya’t mainam na kapag nakaranas ng sintomas ay sumangguni agad sa doktor


Tags: gonorrhea, std, gonorrhea symptoms, gonorrhea cure, gamot sa tulo