Ang chlamydia ay isang karaniwang sexually transmitted disease (STD) na dulot ng bacteria na tinatawag na Chlamydia trachomatis. Ito ay parehong nakakaapekto sa kababaihan at kalalakihan. Ang sakit na ito ay maaring magdulot ng panghabang buhay na pinsala sa kababaihan katulad ng hirap sa pagbubuntis. Ang chlamydia ay maaring maging delikado na magdulot ng ectopic pregnancy (pagbubuntis sa labas ng sinapupupunan).
Paano Nakukuha ang Chlamydia
Maaaring makuha ang chlamydia sa pamamagitan ng oral, vaginal, at anal sex sa taong may ganitong impeksyon. Ang isang babaeng buntis ay maaaring maipasa ang chlamydia sa kanyang sanggol kapag ito ay manganganak.
Maaaring manumbalik ang chlamydia kapag muling nagkaroon ng di ligtas na pagtatalik o unprotected sex sa taong may ganitong sakit.
Mga Sintomas ng Sakit na Chlamydia
Ang chlamydia ay karaniwang walang sintomas. Kaya maaaring di malaman ang pagkakaroon nito. Ang mga taong may chlamydia na walang sintomas ay maaaring maipasa ito sa ibang tao.
Mga Sintomas sa Kababaihan
- di karaniwang discharge na may masangsang na amoy
- mahapding pag-ihi
- masakit na pakiramdam tuwing magtatalik
Kapag ito ay kumalat, maaaring magkaroon ng pananakit ng balakang, masakit na pakikipagtalik (sex), pagkahilo, o lagnat.
Mga Sintomas sa Kalalakihan
- paglabas ng likido mula sa ari
- mahapding pakiramdam tuwing iihi
- mahapdi o makating pakiramdam sa bukana ng ari
- sa di kadalasan ay pananakit at pamamaga ng bayag
Kapag ang chlamydia ay kumalat sa puwetan, ito ay maaaring magdulot ng pananakit ng puwet, discharge, o pagdurugo.
Paano Sinusuri ang Chlamydia
May mga isinasagawang pagsusuring laboratory upang malaman kung may chlamydia. Ang iyong doktor o nurse ay maaaring kumuha ng iyong ihi. Sa mga kababaihan, minsan ay nagsasagawa ng cotton swab para makakuha ng sample mula sa ari.
Mga Komplikasyong Dulot ng Pagkakaroon ng Chlamydia
Sa mga kababaihan, kapag ang impeksyon ay di nagamot, ito ay maaaring kumalat patungo sa uterus at fallopian tube, na nagdudulot ng tinatawag na pelvic inflammatory disease (PID). Ang PID ay maaaring magdulot ng panghabangbuhay na pinsala sa reproductive system. Sa pangmatagalan, ito ay maaaring mauwi sa pelvic pain, infertility (pagkabaog), at pagkakaroon ng ectopic pregnancy.
Ang mga kalalakihan ay madalang na nagkakaroon ng problema sa kalusugan dulot ng chlamydia. Kung minsan ito ay magdulot ng impeksyon ng epididymis (tubo daanan ng sperm o tamod). Ito ay maaaring maging sanhi ng pananakit at lagnat.
Ang mga babae at lalake ay parehong maaaring magkaroon ng reactive arthritis dahil sa chlamydia. Ang reactive arthritis ay isang uri ng arthritis na nangyayari bilang reaksyon sa impeksyon sa katawan.
Ang mga sanggol na pinanganak ng nanay na may chlamydia ay maaaring magkaroon ng sakit sa mata (eye infection) at baga (pneumonia). Ito rin ang maging dahilan ng maagang pagkapanganak ng sanggol.
Pagamot sa Chlamydia
Antibiotics ang pangunahing gamot sa chlamydia. Maaaring ikaw ay bigyan ng minsanang antibiotics, o kinakailangang uminom araw-araw sa loob ng pitong araw.
Para mapigilan ang pagkalat ng sakit, pigilan muna ang makipagtalik hanggang sa mawala na ang impeksyon. Kung ang iyong gamot ay minsanang gamot, magparaan muna ng pitong araw bago makipagtalik. Makabubuting tapusin muna ang pagagamutan bago makipagtalik.
Karaniwan ang panunumbalik ng impeksyon, kaya’t makabubuting muling magpasuri makalipas ang tatlong buwan.
Pagpigil ng Pagkakaroon ng Chlamydia
Ang pinakatiyak na paraan para mapigil ang pagkakaroon ng chlamydia ay ang di pakikipagtalik (vaginal, anal, oral sex).
Ang wastong paggamit ng condom ay nakakapagpababa ng posibilidad ng impeksyon subalit di tiyak na di magkakaroon.
Tags: chlamydia, chlamydia symptoms, gamot sa chlamydia, gamot sa std